Monday, January 5, 2009

Bakit Jalme? BAKIT?

Noong sinulat ko ang La lolo sinabi ko sa sarili ko na hindi na at ayoko nang gumawa pa ng tulad nito. Dahil ayoko ng may mawala na mga mahal ko sa buhay. Mahirap para sa akin ang sumulat ng mga malulungkot na pangyayari dahil ang bigat sa pakiramdam at ang sakit kasing tanggapin. Hindi madali para sa akin na mawala ang mga taong mahal ko. Ayoko ng umiiyak ako pero mahirap pigilan ang sarili kapag gusto nitong umiyak kahit anung pigil ay hindi nagpapapigil. Mga luha na parang may sariling kakayahan at pag-iisip na kapag nasasaktan ako ay kusang pumapatak.

Jan. 5, 2009. Ito ang unang araw ng pagbabalik eskwela ko matapos ang mahaba-habang bakasyon. Sinimulan ko ng isang panalangin na aking kinalakihan ang maagang paggising sa araw na ito. Bagong taon- bagong buhay. Hindi ako nahuli sa klase , iba sa nakagawian ko noong isang taon na nagkakandatakbo paakyat ng hagdan papunta sa kwarto namin. Iba ngayon, dahan- dahan ang pagpasok sa gate na relax na relax sa paglalakad at isang matamis na ngiti ang ipinakita sa pagpasok sa pinto ng aming paaralan kasabay ng pagkanta ng" happy birthday to you" sabay kiss sa kaibigan kong si jaja na nagdiwang ng kaarawan kahapon.

Ang ganda-ganda ng simula ng araw ko ng bigla ni jajang ipinakita ang litrato ni jalme na nasa....
Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Ilang beses kong inisip na isang malaking kalokohan ang nakita ko at ang sinabi nilang patay na si jalme. Ilang beses din akong paulit-ulit na nagtanung kung totoo nga. Totoo ang lahat, ala na si jalme.

Si jalme na isa sa mga naging malapit kong kaibigan mula ng mag-aral ako sa paaralan ko ngayon. Isang kaibigan na kapag kasama mo ay walang oras na hindi ka tatawa. Napakasimpleng tao pero napakahusay pagdating sa pagiging lider, pagsasayaw, pagkukwento mapa-seryosong usapan o kalokohan. Naalala ko tuloy minsan ng magkwento siya , seryosong usapan yun pala bandang huli tinakot at ginulat lang ako.

Hindi ko matanggap jalmeng ala ka na? Bakit jalme? Bakit? Ang bilis ng pangyayari dati kasama lang kita pagdumideretso tayo sa pagsamba galing sa skul, dati nag-uusap lang tayo tungkol sa paglabas mo sa telebisyon bilang isang backup dancer, dati sabay-sabay lang tayong mga Family NG na kumakain, nagtatawanan,nagkakantahan at nag-aasaran. Bakit ganun? Alam mo naman numero ng cellphone ko di ba? Bakit 'di mo ako tinawagan o kahit sino sa amin na mga kaibigan mo para napag-usapan natin kung anung problema ?Bakit tinapos mo ang lahat ng ganun-ganon na lang? Ang dami pa nating pangarap. Ang dami mo pang dapat marating . Kung alam mo lang kung gaano namin ikinagulat ang tungkol sa pagkawala mo. Kung pano kami nanghinayang sa iyo. Alam mo ba ang sobrang pag-iyak ni Erika, ang bestfriend mo? Ilang beses mo na akong ginulatlat sa mga nangyari sa iyo, ito ang pinakamasakit at pinakamalungkot na gulat na ibinigay mo.

Ikaw lang ang malakas ang loob na hingan ako ng dos. Kumusta naman si baby lion na isinagot mo sa recitation natin na bumasag sa seryosong mundo namin at dahilan kung bakit kami nagtawanan? Baby lion stepped the elephant! Ang sabi sa kwento ang elepante ang tumapak kay baby lion na iniba mo. Ang documentary natin noon na hindi matatapos kung ala ka at ikaw lang naman ang sumayaw kay Sir. Dela Cruz na ikinagulat ng marami. Nag-iisa ka lang master rubix. Salamat sa pagiging mabuting kaibigan. Kung anu man ang dahilan sa nangyari hindi ko kinaya. Pasenxa kung hindi ko nakarating sa lamay o libing mo. Ngayon ko lang kasi nalaman.. Mamimiss kita pre!

Txtback kay Txtmate

Isang pagpapasalamat ang nais kong ipabatid ng minsan mong gawan ng post kung paano tayo nagkakilala. Isang Hu u at Hu u din na tagpo. Bagamat matagal na panahon bago ko nabasa ang ginawa mong ito ay masaya parin ako dahil bago ka gumawa ng panibagong datcom ay nabasa ko ito. Kung hindi ako nagkakamali nabanggit mo na " Sana ay naappreciate mo ang ginawa ko." at "Ilang araw ka pa lang nagpaalam ay namiss na kita."

Isang magandang pagkakataon ito na sabihin ko ang aking saloobin tungkol dito. Kung alam mo lang sana kung gaano mo ko napasaya sa simpleng post na ginawa mo. Kung alam mo lang sana kung gaano ko pinanabikan na muli kang makausap. Kung alam mo lang sana....mahalaga ka parin sa akin.

Pilotong Ballpen

Kung kailan naman sinisipag akong magsulat ay saka naman nawala ang ballpen ko. Panahon ng pagbabakasyon kaya hindi ko ginagamit, nakalimutan ko tuloy kung saan ko naipatong. Sinubukan kong hanapin pero hindi ko nakita. Kulang na nga lang ay itaob ko ang bahay namin at itaktak baka sakaling lumabas pero ala pa rin. Sa totoo lang, nainis talaga ako. Ayoko ko pa namang mawala yun. Ayoko ngang pinapahiram sa iba yun at kung ipahiram ko man ay sinasabihan ko ang nanghiram na huwag ibabagsak baka hindi na sumulat tapos mawawala lang. (Bakit ang ballpen pagnabagsak ay madalas hindi na sumusulat minsan naman ang labo na?) Sa inis ko tuloy nakagawa ko ng isang tula. Tula na pinagbuhusan ko ng sama ng loob ng minsang mawala si...

Pilotong Ballpen

Isang sandatang hindi ko malilimutan
Saan man naroon, kailanman
Sandata sa pagtupad ng mga pangarap
Bawat pagsulat lipad ay matayog.


Paano na ako kung ala ka?
Ikaw ang kasama sa tuwina, saksi sa lungkot at ligaya
Mga salitang hindi masabi, tinta mo ang gumuguhit
Sabay sa pag-agos ng aking mga luha
Sabay sa pagngiti ng aking mga labi.


Anung silbi ng papel kung ala ka?
Paano maisusulat ang bawat damdamin?
Kung ako'y iyong lisanin...
Buhay ko'y bakit 'di pa bawiin?


Sinadya kong hindi pagandahin o ayusin ang tugma ng tula. Gusto ko kasing ilabas ang natural na ayos nito kung paano ko ito nabuo. Mapapansin na hindi kahabaan ang tula dahil hindi ako eksperto pagdating dito. Minsan lang ako gumawa ng tula, pagbigyan mo na.

La lolo

Ang mawalan ng mga mahal sa buhay ay isa sa pinakamasakit na pangyayari na dapat nating tanggapin. Buhay na sa atin ay pinahiram at muling babawiin.

Walong taong gulang ako ng pumanaw si lolo Untoy, ang tatay ng mama ko. Maikli lang ang panahon na nagkasama kami ng lolo ko. Bukod sa bata pa ako ng pumanaw siya ay malayo rin ang bahay nila sa amin. Sa maynila sila kami naman ay sa Laguna. Sa tuwing nagbabakasyon lang kami nagkakasama ni tatay (tatay ang nakasanayan ko na tawag sa lolo ko) , minsan hindi pa nga namin nagagawang lumuwas ng Maynila dahil magastos sa pamasahe. Pero sa maikling panahon na yaon ay masasabi kong naging mabuting magulang siya sa amin. Naalala ko kapag umuuwi siya ng bahay galing trabaho ay may dala-dala na tinapay o anu mang pasalubong at ang pinakamalayo sa kanya ang siyang unang bibigyan, syempre layu naman kami. Hindi ko rin makakalimutan ang kanyang sipol na dahilan kung bakit nagkandarapa kaming magpipinsan sa pagtakbo pauwi huwag lang mapalo. Masaya ko kasi hindi ako napalo ng tatay kahit makulit ako. Pero kahit minsan hindi niya pinagkait ang kaniyang payo at saway. Salamat sa kalinga at pagmamahal. Sa pananampalataya sa Dios na sa akin ay ipinamana, halaga ng panalangin at pagsamba sa Kanya hanggang ngayon at kailanman sa aki'y mananatili. Ang pulang short na hinanap pa niya sa baul ng lola ko para ibigay sa akin noong wala akong maisuot.

Lumipas ang walong taon sumunod na pumanaw si lolo Ameng, ang tatay ni papa. Siya ang lolo ko na ang tawag sa akin ay "busirit" dahil sa kaliitan ko. Salamat na lamang kahit paano ay lumaki pa ako ngayon. Sayang at hindi niya nakita ang paglaki ko. "Tay, ang dating busirit..dalaga na po". Nakakasabik ang haplos ng kaniyang kamy sa aking buhok at ang malambing na pagtawag sa pangalan ko. Hanggang ngayon naaalala ko parin ang baril at radyo niya. Baril na sa akin ay nagpakaba at radyo na nagpakilala sa akin kina Bravo at Alpha. ( Come in Bravo, come in.....Roger Alpha, roger!)

Sa wakas!

Ang pagpasok sa mundo ng mga bloggista ay isang bagay na kahit minsan ay hindi ko inasahang mangyayari. Mundo kung saan nagsimula ako bilang isang masugid na tagabasa ng blog ni KDR hanggang sa natutong magpagala-gala at napadpad sa blog ng iba't-ibang bloggista. Minsan nakikikomento, madalas hindi. Ewan ko ba kung bakit hanggang dito dala ko ang pagiging mahiyain maliban na lang sa bahay ni kua ronturon kung saan ang lakas ng loob kong magkomento mapa-lovelife, kulitan, biruan o anu pa man kasi kaya niyang sakyan. Kahit ang kamangmangan ko sa paggawa ng blog, kinaya niya. Salamat kuya ron dahil ngayon ang bahay ko ay naayos din. Sa wakas!

Isang bahay kung saan magagawa kong ipaalam ang mga saloobing hindi ko nagawang sabihin. Magandang pagkakataon din ito upang ibahagi ang aking karunungan (kung meron) at mga karanasan na sa aki'y nagbigay aral na hindi ko malilimutan. Magpasalamat sa mga nagmahal,nagmamahal,nagtitiwala at sumusuporta sa akin.Sa aking mga kapamilya, kaibigan, kakilala, kapuso, kaututang-dila, kabiruan at kaloveteam (kaloka.. may ganun?) na dahilan kung bakit hanggang ngayon nagagawa ko na magtiwala sa aking sarili higgit sa Dios upang gawin ang mga bagay na akala ko ay hindi ko kaya. Lumipad upang abutin ang aking mga pangarap, bumangon pagkatapos madapa, ngumiti kahit nasasaktan, magmahal at magparaya. Kung alam niyo lang sana... kayo ang dahilan kung bakit ako ngayo'y nagsusulat. Salamat.